Nabasa nyo na ba ang LIHAM NI RIZAL SA MGA KABABAIHAN NG MALOLOS?
Read in contemporary Tagalog, yung mas modern ang spelling para mas ma-appreciate.
Sa mga Kababayang Dalaga sa Malolos
A very important excerpt of Jose Rizal's letter to the women of Malolos, made more comprehensible to the modern Filipino by Ginoong Ed Lapiz
Ang tunay na kabanalan ay nasa pagiging matuwid. "Gawa at hindí salita ang hiling ko sa inyo," sabi Cristo; Ang pagiging anak ng Diyos ay hindi nadadaan sa paulit-ulit na pagtawag ng “Ama” sa Diyos kundi sa pagsunod sa kalooban Niya. Ang kabanala’y hindi nagagawa sa kamamano sa pari at ang tunay na kinatawan ni Cristo’y hindi rin makikila sa pagpapamano nya sa mga tao.
Si Cristo’y hindi humalik sa mga taong Relihiyoso, hindi nagpahalik kaylan pa man; hindi nya pinataba ang mayayaman at masasamang taong palaaral ng relihiyon; wala siyang binanggit na mga kalmen o binibili at isinusuot na mga relihiyosong bagay, walang pagkukwintas, hiningan ng bayad para sa misa,
at di nagpabayad sa kanyang panalangin. Di naningil si San Juan sa pagbibinyag sa ilog ng Jordan, gayun din si Cristo sa kanyang pangangaral.
Bakit ngayo’y lahat ng ginagawa ng pari ay may bayad?
At parang kulang pa sa kinikita, nagbibili pa ng mga kalmen, kwintas, correa at iba pa? Ang mga ito’y pangnakaw ng pera ng mga tao at pampasama sa kaluluwa pagkat gawin mo mang kalmen o relihiyosong kwintas ang lahat ng basahan sa lupa, ikwintas mo man ang lahat ng kahoy sa bundok, itali mo man sa yong baywang ang lahat ng balat ng hayop, at ang lahat ng ito’y pagpaguran mang pangkrus-krusan at pagbulung-bulungan ng lahat ng pari sa mundo, at iwisik man ang lahat ng tubig sa dagat, ay di mapalilinis ang maruming loob, di mapatatawad ang walang pagsisisi.
At dahil pa rin sa kasakiman sa pera ay maraming ipinagbabawal na pwede namang di sundin kung ikaw ay magbabayad tulad ng hindi pagkain ng karne, pag-aasawa sa pinsan, kumpare at iba pa, na pinapayagan basta magbayad ka lang.
Bakit, nabibili ba at mukhang pera ang Diyos tulad ng mga pari? Ang magnanakaw na nagbabayad ng multa sa simbahan ay hindi na inuusig kundi pinatatawad: Ganun ba yun? Nakikikain ng nakaw ang Diyos?
Talaga bang naghihirap na ang Maykapal kaya nakikigaya na sa mga guardia, carabineros o pulis? Kung ito ang Dios na sinasamba ng mga pari ay tumatalikod ako sa ganyang Diyos.
No comments:
Post a Comment